Site icon Princess Leah

Balang Araw

Sumikat na ang araw, umagang kay ganda
Naghahanda sa pagsabak sa panibagong gawa
Muling nagiisa, mga plato’y huhugasan
Paligid lilinisin, alikabok ay tatanggalin
 
Sa paghiwa ng sibuyas, luhang totoo’y sumasabay
Paglinis ng paliguan, hikbi at buhos ng tubig magkasabay
Mga kamay noo’y kay lambot ngayon  magaspang at kay tigas
Prinsesa noon ako’y ituring, ngayon Cinderella kung tawagin
 
Madalas ako’y nagtatanong Ito nga ba’y kalooban?
O sadyang pinili ko lamang? Bakit? Bakit kailangan maranasan
Sa pagtatanong ko sa Kanya, kasagutan kay bilis kong natanggap
Luha’y biglang umagos sa mga mata at sa pusong nagpapasalamat
 
‘Upang maranasan mo ang aking kabutihan’ tugon Nya sa akin
Sa pagkakataong ito tanging sya lang ang makakaunawa sa akin
Tanging Sya lamang makakausap at maiiyakan
Ang kalapitan Nya’y tunay aking nararanasan
 
Ang lahat tila ikaw ay iniwan ngunit Sya ang Dios kailanma’y di ka papabayaan
Mga luha ko’y kanyang nakita, mga hikbi ko’y kanyang narinig
Kaibigan noo’y aking takbuhan , ngayon walang sandalan kundi Sya lamang
Sa pagpikit ng mata aking naunawaan hindi nag-iisa kailan man
 
Ang kanyang habag ay sapat,  sa araw-araw Sya ay tapat
Kalungkutan kanyang pinalitan ng kagalakang hindi maipaliwanag
Sa mga gabing nagsusumamo kapayapaan ay iyong handog
Puso ay umaasang ang takbo ng buhay magbabago balang araw
 
Muli nga Nyang ipinaalala ang mundong ito’y hindi ko tahanan
Balang araw ay makakasama sa palasyong may kapayapaan
Mga luha ay pupunasan, ang puso ay puno  ng kagalakan
Balang araw makakasama sa paraiso ng may likha ng lahat
 
Doon ay wala ng sakit, pighati at pait, mag aawitan kasama mga kapatid
Wala ng away, lahat nagmamahalan, balang araw ito ay masisilayan
Habang nasa mundo ako ay lalaban, tatakbo hindi mapapagod
Dahil puso ko’y naniniwala balang araw, aking Ama, ikaw ay makikita ng mukhaan.



Exit mobile version